-- Advertisements --
motorcycle riders1

Maaaring pagmultahin ang mga rider na sumisilong sa ilalim ng mga flyover at footbridge sa panahon ng malakas na pag-ulan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni MMDA acting chairman Romando Artes na delikado sa mga rider at motorista ang paghinto sa ilalim ng mga overpass para makasilong dahil sa ulan.

Dagdag pa niya, maaari ring magdulot ng pagsisikip ng trapiko ang mga rider na nagtitipon tipon sa ilalim ng mga flyover.

Kaugnay niyan, plano ng MMDA na parusahan ang mga lalabag na motorista sa pamamagitan ng pagbibigay ng violation ticket para sa obstruction na may multang P500.

Sinabi rin ni Artes na maaaring huminto ang mga riders sa mga itinalagang lay-by areas sakaling bumuhos ang umulan.

Aniya, plano rin ng ahensya na makipag-usap sa mga gasoline station sa kahabaan ng EDSA upang makipagtulungan sa kanila sa paglalagay ng mga tent para sa mga riders.

Sa ngayon, mahigpit na nagpapaalala ang MMDA na mag-ingat pa rin ang mga motorista upang makaiwas sa anumang posibleng mangyaring aksidente.