-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Maagang nagbabala ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) sa posibleng epekto ng Bagyong Bising sa Catanduanes.

Inaasahan kasing papasok ito sa Philippine area of responsibility bukas ng umaga, Biyernes.

Paliwanag ni PAGASA Catanduanes chief Jun Pantino, nasa loob ng tinatawag na cone of probability ang lalawigan.

Ibig sabihin, mayroong posibilidad na “impact” mula sa araw ng Linggo hanggang Lunes.

Inihahalintulad si “Bising” sa Bagyong Ulysses na posibleng magkaroon ng lakas na 175 hanggang 185 kilometro bawat oras.

Dahil dito, pinaghahanda ang mga residente dahil posibleng magtaas ang PAGASA ng Signal No. 1 o 2 sa isla sa darating na Sabado ng hapon.

Aasahan na rin aniya ang malalakas na alon sa dagat kaya pinayuhan ang mga mangingisda na iwasan muna ang paglayag mula sa araw ng Biyernes.