-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagkakapunuan na ang lahat ng mga COVID 19 referral hospital sa Isabela dahil sa patuloy na paglobo ng COVID-19 cases ng lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Health Officer Dr. Nelson Paguirigan, sinabi niya na sa kasalukuyan ay may 29 na COVID-19 patients ang nasa pangangalaga ng Echague District Hospital, 7 ang nasa Cauayan District Hospital,habang may tig-14 ang Milagros Albano District Hospital at Manuel Roxas Dist. Hospital.

Maliban pa rito ang napakaraming bilang ng suspect cases na isa rin sa mga binabantayan ng PHO at kasalukuyang naghihintay ng resulta ng kanilang RT-PCR test.

Mandato ngayon ng mga government na ilaan ang kanilang 50% authorized bed capacity para sa mga COVID patients.

Hinihikayat rin niya ang mga pribadong pagamutan na dagdagan ang kanilang 20% allowed bed capacity upang matugunan ang naturang problema.

Punuan na rin ang lahat ng kuwarto ng Provincial Hospital dahil hindi lamang COVID patients ang nasa kanilang pangangalaga maging mga non COVID cases tulad ng mga nanganganak at nasasangkot sa aksidente.

Ayon kay Dr. Paguirigan, nanatili pa rin ang protocols para sa mga asymptomatic na dapat nasa pangangalaga ng RHU habang ang mga mild to moderate ay kailangan maadmit sa level 1 government hospital tulad ng mga district hospital.

Ang mga critical at severe ay dapat ipasakamay sa level 2 at level 3 hospitals tulad ng CVMC at SIMC.

Nilinaw niya na bagamat may kakayahan ang mga level 1 hospital na magtalaga ng ICU units at may mga espesyalista ay kulang parin ang kanilang kagamitan kung critical cases ang kanilang gagamutin.

Sa ngayon ay sinisikap ng tugunan ng pamahalaang panlalawigan ang usapin ng kakulangan ng mga gamot na kailangan ng mga covid patients.

Ayon kay Dr. Paguirigan,makikipag ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa mga pharmaceutical company na gumagawa ng mga gamot na kailangan ng mga Covid 19 cases tulad ng mga anti viral drugs na hindi basta basta nabibili ay wala sa lalawigan.

Aniya, sa loob ng tatlong buwan ay nalampasan ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 cases na naitala sa lalawigan noong nakaraang taon mula ng mag-umpisa ang pandemiya.

Dahil sa bilis ng pagkalat ay hindi isinasantabi ang pagkakaroon na ng bagong variant ng COVID-19 virus,bagamat may ilang ulat na ng bagong variant ng covid 19 sa ilang mga lugar sa lalawigan ay hindi pa ito napapatunayan.

Kapansin pansin na rin ang pagdami ng naitatalang mortality o nasasawi dahil sa COVID- 19 na pawang mga matatanda na may iba’t ibang karamdaman o comorbidity.