Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na hindi required ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan na magsuot ng school uniform sa anumang lalakuhan nilang distance learning approach sa nalalapit na pasukan.
Paglilinaw ito ng kagawaran matapos lumabas ang ulat na hinihimok umano nila ang mga mag-aaral na magsuot ng uniporme sa mga online classes para maiwasan ang mga insidente ng bullying.
Ngunit sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na bago pa man ang coronavirus pandemic ay hindi naman inoobliga ang mga estudyante sa mga public schools na magsuot ng uniporme, sang-ayon sa inilabas nilang kautusan noong 2010.
“Bago pa man ang pandemya, hindi isang mahigpit na utos sa mga pampublikong paaralan ang pagsusuot ng uniporme ng mga mag-aaral (DepEd Order No. 065, s. 2010) upang maiwasan ang pagkakaroon ng karagdagang gastos sa kanilang mga pamilya,” saad ng DepEd.
Ayon pa sa ahensya, dahil hindi pa rin pinapahintulutan ang face-to-face classes, malaya ang mga mag-aaral na isuot ang pinakakomportable at akmang kasuotan habang nag-aaral sa loob ng kanilang mga tahanan.
Nakatakdang magbukas ang klase sa Agosto 24 kung saan may alok na iba’t ibang opsyon ang DepEd para sa distance learning, tulad ng paggamit ng printed at digital modules, online classes, telebisyon, at radyo.