-- Advertisements --

Inihain na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na maglalatag ng mga polisiyang susundin sa bansa ng hanggang sa susunod na tatlong taon kaugnay pa rin ng COVID-19 health crisis.

Inihain nina Speaker Alan Peter Cayetano at pitong iba pang kongresista ang House Bill 6623, na naglalayong ihanda at turuan ang mga Pilipino sa magiging buhay pagkatapos na maalis na ang enhanced community quarantine at general community quarantine sa hinaharap.

Mahigpit na ibinibilin ng panukalang batas ang pagsunod sa social at physical distancing, mandatory na pagsuot ng mga face masks, paglalagay ng hand washing o sanitizing stations sa mga pampublikong lugar, at temperature checks.

Ang mahuhuling hindi nagsusuot ng face mask habang nasa pampublikong lugar ay bibigyan ng citation ticket at pagmumultahin ng P1,000 o isang araw na mandatory community service.

Mahigpit namang ipapatupad ang physical distancing sa mga pila para sa public transportation gayundin sa loob mismo ng sasakyan.

Ipapatupad ang contactless payment mechanisms at oobligahin ang mga pasahero na maghugas muna ng kamay bago payagang pumasok sa mga pampublikong sasakyan.

Mananatiling suspendido ang mga motorcycle taxi operation para maiwasan ang pagkalat ng virus sa pamamagitan nang paggamit ng common helmets at close contact ng mga pasahero sa mga driver.

Suspendido rin ang palaro at iba pang extracurricular activities sa mga paaralan at iba pang learning institutions pero subject sa konsultasyon sa DepEd at ChEd.

Sa oras namang magbukas na ang pasok sa mga paaralan, babawasan ang bilang ng mga klase at gagawing staggered ang class days.

Samantala, ang mga restaurants at iba pang food service places ay maaring magbukas sa ilalim ng new normal, pero dapat take-out at delivery lamang.

Ipapatupad naman ang two-meter distancing sa mga kakain sa mga buffet, at kailangan disposable ang menu booklet at kubyertos na gagamitin sa mga ito.

Lilimitahan din ang bilang ng mga papayagang makapasok sa mga bangko, supermarkets, malls at iba pang mga commercial spaces.

Mahigpit din ang paalala sa mga personal service establishments tulad ng mga salons, parlors at spa, at kailangan madalas ang pag-sanitize sa mga kagamitan na kanilang ginagamit.