-- Advertisements --

NAGA CITY- Bagama’t may halong pangamba na baka mahawaan ng kumakalat ng virus, tuloy parin ang pagtatrabaho ng mga Pinoy nurses sa iba’t ibang bansa.

Sa report ni Bombo International Correspondent Lotty Roco, anim na taon nang nagtatrabaho bilang nurse sa isang ospital sa Texas, USA, sinabi nitong nakahanda aniya sila lalo na sa mga kumakalat na sakit gaya ng novel coronavirus.

Ayon kay Roco, walang vaccine sa naturang sakit kung kaya kinakailangan ngayon ang dobleng pag-iingat.

Aniya, hanggang sa kaya niya, tuloy lamang ang kanyang pagtatrabaho pero kung sakaling lumala ang sitwasyon at hindi niya kayanin, kinakailangan na niyang manatili na lamang sa loob ng bahay.

Samantala, ayon naman kay Virginia Contreras isa ring nurse sa Los Angeles, California, mayroon na aniyang nabiktima ng naturang sakit sa kanilang lugar ngunit hindi lamang ito basta isinasapubliko para hindi magdala ng dagdag na pangamba sa publiko.

Aniya, sila ang unang nakakasalamuha ng mga pasyente kung kaya doble rin ang ginagawa nilang pag-iingat sa sakanilang mga sarili.

Sa kabila nito, nanawagan naman ito sa mga kababayan sa Pilipinas na mag-ingat din sa naturang kumakalat na sakit.