Walang Pilipino sa France ang nagpahayag ng kanilang kahilingan na mapauwi sa kabila ng mahabang araw na kaguluhan sa nasabing bansa.
Ito’y matapos barilin ng isang pulis ang isang 17-anyos sa suburb ng Paris, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na nakausap niya si Philippine Ambassador to France Junever Mahilum-West na nagsabi sa kanya na ang mga Pilipino sa France ay umiiwas sa mga marahas na protesta.
Ayon umano sa pahayag ng Ambassador, ligtas naman ang pangkalahatang kundisyon ng mga Pinoy sa France.
Dagdag ni de Vega, ang mga Pilipino ay marurunong naman umiwas sa mga away at gulo sa nasabing lugar.
Sinabi ni De Vega na mayroong kabuuang bilang na 26,000 Pilipinong legal sa France, at maaaring doble ang bilang na ito kung ang mga undocumented na Pilipino ay mabibilang.
Sa ngayon, mahigpit na nakaantabay ang DFA kung posibleng lumala pa protesta sa France.