LA UNION – Patuloy na ang pagluwag sa mga ipinatupad na restrictions dahil sa COVID 19 sa Hong Kong matapos bumalik na ang regular na pagtatrabaho ng mga empleyado sa iba’t ibang opisina ng pamahalaan, mula sa dating 2-3 araw lamang na trabaho sa loob ng isang linggo.
Ito ang ibinahagi ni Bombo International Correspondent Emily Miranda mula Hong Kong.
Sinabi ni Miranda na simula noong Setyembre uno, bumalik na sa regular na pagtatrabaho ng mga nag-o-opisina.
Kahit sa mga establisimento ay nagbukas na rin, ngunit limitado pa lamang ang mga pumapasok na manggagawa.
Gayunman, sinabi ni Miranda na naging sistema na sa pang-araw-araw na pamumuhay, ang pagsunod sa mga minimum health standards para maiwasan ang deadly virus, gaya na lamang ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Sinabi pa nito na sa huling linggo ng buwan ay babalik na sa face-to-face ang klase ng mga estudyante.
Samantala, sinabi ni Miranda na mahigit 2,000 na Overseas/Foreign Workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho noong buwan lamang ng Agosto, base sa record ng Labor Office.
Ilan sa mga ito ay pinoy workers na nakauwi na sa bansa, ngunit ang iba ay pinili na manatili sa Hong Kong at patuloy na naghahanap ng trabaho.
Simula aniya noong Marso hanggang sa kasalukuyan, mayroon nang mahigit na 10,000 foreign workers ang nawalan ng trabaho sa Hong Kong dahil sa pandemya.