-- Advertisements --

CAUAYAN CITY -Maraming Pilipino sa Sri Lanka ang humihiling ng tulong sa pamahalaan para sa kanilang repatriation opag-uwi sa Pilipinas dahil sa matinding hirap na kanilang nararanasan bunsod ng matinding krisis ng ekonomiya at kaguluhan sa naturang bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jenny Verdillo, Adviser ng Filipino Community sa Sri Lanka, sinabi niya na noong nakaraang linggo lamang nagsimula ang mga malawakang kilos protesta dahil hindi na makayanan ang matinding kahirapan bunga ng sa lumalalang power outage, kakulangan ng supply ng mga petrolyo, at mataas na presyo ng bilihin.

Sabay-sabay aniyang nagbitiw sa tungkulin ang mga Cabinet members ng pamahalaan dahil sa mga malawakang kilos protesta sa iba’t ibang panig ng Sri Lanka.

Dahil sa tumitinding protesta binabato na ng mga protesters ang bahay ng kanilang pangulo gayundin na sinunog nila ang isang bus unit na ikinasugat ng isa.

Karamihan na rin sa mga tao ay gumagamit na ng panggatong dahil sa matinding kakulangan ng mga produktong petrolyo.

Marami ang pumipila maghapon sa mga gasolinahan upang makabili ng petrolyo subalit marami ang hindi nakakabili dahil sa kakulangan ng supply.

Hindi naman apektado sa ngayon ang mga pampublikong sasakyan tulad ng bus na pangunahing transportation sa lugar.

Tinatayang pitong daan hanggang walong daan pa ang mga Pilipinong sa Sri Lanka matapos na makauwi ang ilan matapos na maapektuhan ng pandemiya.

Wala pa ring abiso ang konsulada ng Pilipinas may kaugnayan sa repatriation ng mga Pinoy OFW sa naturang Lugar.

Sinabi ni Ginang Verdillo na hiniling sa kanya ng mga kapwa Pilipino na sa pamamagitan ng mga interview sa kanya ng media sa Pilipinas ay iparating sa pamahalaan na bigyan sila ng tulong para makauwi na sila sa bansa dahil sa matinding kahirapan ngayon sa Sri Lanka.