Mahigpit ang nakalatag na health safety protocols sa Kamara para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes, Hulyo 27.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni House Deputy Secretary General Dr. Ramon Ricardo Roque na magkakaroon ng swab test sa darating na Linggo, Hulyo 26, para sa mga mambabatas na personal na tutungo sa Batsang Pambansa Complex para dumalo sa SONA ni Pangulong Duterte.
Bukod dito ay kailangan din aniyang sumailalim pa sa rapid tests ang mga opisyal na ito, pati na rin ang kanilang mga staff, sa araw mismo ng SONA.
Lilimitahan ng hanggang 50 lamang ang papayagan na makapasok sa plenaryo kasama na dito ang mga mambabatas, ang RTVM, at mga staff pero ikinukunsidera na itaas itaas ito ng hanggang 127 dahil malawak naman ang loob ng session hall ng Kamara.
Katulad ng sa mga nakalipas na taon, magbubukas ang second regular session ng alas-10:00 ng umaga para mag-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso at ipapaalam sa Malakanyang na nakahanda na ang Kamara at Senado sa gaganaping SONA ng alas-4:00 ng hapon.
Sa umaga, 25 kongresista lamang ang papayagan na makapasok sa loob ng plenaryo ng Kamara para sa pagbubukas ng sesyon.
Pagkatapos nito ay pansamantalang isasara ang plenaryo para sa disinfection na gagawin bago naman ang SONA ng pangulo sa hapon.
Dahil banta pa rin ang COVID-19, mahigpit na ipapatupad ang palagiang pagsuot ng face masks at face shields, at physical distancing.
Maglalagay din ng alcohol, sanitizer at footwear mat disinfection sa mga entry points sa lahat ng gusali sa Batasan Complex, at magkakaroon din ng health screening.