CAUAYAN CITY- Kinumpirma ng Diocese of Ilagan na may tatlong pari na nagpositibo sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bishop David William Antonio ng Dioceses ng Ilagan, sinabi niya na dahil sa mga patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng ilang pari sa ilalim ng Diocese of Ilagan ay naglabas sila ng direktiba para sa kaligtasan ng mga mamamayan na nagtutungo sa mga simbahan.
Lahat ng mga pari sa ilalim ng Diocese of Ilagan gayundin ang kanilang mga personnel sa kumbento ay sumailalim sa swab test.
Bukod dito ay inatasan din silang makipag-ugnayan sa Rural Health Unit (RHU) na nakakasakop sa kanila.
Nagpapasalamat naman sila dahil nagnegatibo ang ilang sumailalim sa swab test.
Ayon kay Bishop Antonio, ang mga kailangang i-quarantine na pari ay sa mga kumbento na lamang pero araw-araw silang imomonitor ng RHU.
Sa ngayon ay kanselado muna ang religious activities sa mga parokya na naka-quarantine ang kanilang pari.
Kung puwede na silang magsagawa ng religious activities ay magiging mahigpit ang health protocols na ipapatupad sa simbahan.