-- Advertisements --

NAGA CITY – Narekober ng mga miyembro ng 22nd Infantry (Valor) Battalion ang nasa sampung anti-personnel mines sa Barangay Calpi, Bulan, Sorsogon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 9th Infantry Division, Philippine Army, napag-alaman na dahil sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga residente ng lugar sa mga otoridad narekober ang nasabing mga pampasabog.

Noong Hulyo 31, 2021 isang miyembro ng rebeldeng grupo ang binawian ng buhay sa nangyaring engkwentro sa tropa ng pamahalaan sa Barangay San Juan Daan, sa nasabing bayan kung saan narekober naman ang ang isang M14 rifle at anti-personnel mines.

Samantala, Agosto 3 nang makatanggap ng report ang mga sundalo mula sa mga residente ng Barangay Padre Diaz dahilan para makumpiska sa ilang molotov bombs, apat na magazine ng M14 rifle na mayroong ammunition, at bandolier.

Labis naman ang pasasalamat ng mga namumuno sa tropa ng pamahalaan dahil sa sunod-sunod na tagumpay na ito ng mga sundalo maging sa patuloy na pakikipag-isa ng mga residente sa mga ito upang tuluyan ng matuldukan ang takot na dala ng mga ito sa mga mamamayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng grupo.