-- Advertisements --

Nanawagan si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio sa sambayanang Pilipino na hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbawi sa mga “dangerous” statements nito hinggil sa issue sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Carpio na maaring malagay sa peligro ang interest ng bansa dahil sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na ang arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas ay papel lamang na maaring itapon sa basurahan.

Mariing pinabulaanan naman ni Carpio ang makailang ulit na sinasabi aniya ni Duterte na ang China ang may hawak sa West Philippine Sea, na bahagi lamang ng South China Sea.

Ayon sa dating mahistrado, walang pinanghahawakan na ligal ang China para saklawin ang West Philippine Sea.

Naniniwala si Carpio na maikokonsidera bilang betrayal of public trust ang mga pahayag ni Duterte, na maituturing naman bilang impeachable offense.

Subalit dahil na rin sa suporta na mayroong hawak si Duterte mula sa Kongreso, malabo rin aniyang matuloy ang impeachment laban dito.