-- Advertisements --

CEBU CITY – Nakalatag na ang mga iskedyul ng mga aktibidad para sa nalalapit na pagdiriwang ng 459th Fiesta Señor nitong lungsod ng Cebu sa darating na Enero sa susunod na taon.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pangako at pagsuporta sa nasabing aktibidad ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa Central Visayas gaya ng Police Regional Office-7, Philippine Coast Guard,Armed Forces of the Philippines, Cebu City Police Office, local disaster risk management at marami pang iba.

Tiniyak pa ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare ang publiko at ang Sinulog foundation na handa sila kasama ang iba pang uniformed services na magpatupad ng seguridad upang maisagawa ito ng mapayapa at maayos.

Gagamitin pa umano nila ang major event security framework na nahahati sa tatlo kabilang ang task group security, peace and order, at emergency preparedness.

Sa ngayon aniya ay magsasagawa pa sila ng threat assessment para sa bawat aktibidad upang matukoy ang naaangkop na numero sa ipapakalat na security forces.

Batay kasi sa nakaraang Sinulog, sinabi ni Pelare na umabot sa 19,000 security forces ang kanilang ipinapakalat sa solemn foot procession na kanilang itinuturing na pinapopulated na aktibidad habang nasa 5,000 hanggang 6,000 lamang sa ibang mga aktibidad.

Tinitingnan naman nilang magdeploy muli ng drones at helicopter na kanilang nakikitang important innovation upang madagdagan ang tradisyonal na human deployment.

Nangako naman si Col Lamzon ng 3IB Philippine army na magdeploy sila ng reservist mula sa land, water at air domain na susuporta sa pulisya.

Samantala, asahan naman ang mas mahabang ruta para sa foot procession dahil hindi na magagamit ang karaniwang ruta dahil sa patuloy na konstruksyon ng Bus Rapid Transit.