-- Advertisements --

Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang Chinese nationals dahil sa pagkakabit ng surveillance devices sa lalawigan ng Bulacan ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP – CIDG)

Sa isang statement, inihayag ng pulisya na natukoy ang naturang mga dayuhan na sina “Feng” at “Shi” na kapwa pinosasan sa ikinasang entrapment operation kasama ang CIDG Bulacan field unit at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) umaga ng Miyerkules, Mayo 7 sa may Barangay Sabang sa Baliuag.

Nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga dayuhan ang isang international mobile equipment identity (IMEI) catcher motherboard at antenna, internet router, metal box battery at dalawang inverters.

Ayon sa CIDG, ang nabanggit na mga device ay may kakayahang ma-intercept, ma-store at magamit ang nakuhang impormasyon mula sa iba’t ibang communication equipment partikular na sa mga cellphone.

Dinala na ang dalawang suspek sa kustodiya ng CIDG Bulacan field unit at mahaharap sa kasong misuse of devices at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.