LEGAZPI CITY- Plano ng Department of Education na ilipat sa mas ligtas na lugar ang mga paaralang pasok sa 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad, dalawang paaralan sa Albay ang kanselado na muna ang face-to-face class at hindi magamit sa ngayon dahil nasa loob na ng danger zone na patuloy pa ang pag-aalburuto.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Office of the Civil Defense Bicol para sa paghahanap ng lugar na posibleng mapaglipatan ng paaralan.
Aminado ang opisyal na pangunahing suliranin ang kakulangan ng budget na gagamitin para sa pagpapatayo ng mga paaralan lalo pa’t inaasahan na malaki ang halagang gagastosin rito.
Samantala, tiniyak naman ng DepEd na tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga apektadong estudyante sa pamamagitan ng online class at module.