-- Advertisements --

Nagtalaga na raw ang mga ospital sa Quezon City na pag-aari ng gobyerno ng isolation room dahil sa posibleng pagkakaroon ng monkeypox cases sa naturang lungsod.

Kasunod na rin ito ng naitalang kauna-unahang kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Sa isang statement, sinabi ng Quezon City government na ang Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at Novaliches District Hospital ay nakapag-set up na ng mga isolation rooms para sa mga suspected, probable at confirmed cases ng monkeypox.

Ang kanilang hakbang ay bilang paghahanda sa posibilidad na mayroong ma-detect na kaso ng monkeypox doon.

Nag-develop na rin ang QC Health Department (QCHD) ng response mechanism para mapigilan, ma-detect ng maaga, ma-manage ang kaso at ma-isolate ang mga tatamaan ng virus at ang isasagawang contact tracing ng possible monkeypox cases.

Sumalang na rin ang mga medical personnel mula sa mga public at private hospitals at health centers sa orientation.

Tinuruan ang mga ito ng kaukulang impormasyon kaugnay ng naturang virus, partikular ang ang pagpigil sa transmission nito sa mga indibidwal, household at sa mga komunidad.

Inabisuhan naman ng Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) ang mga suspected monkeypox cases na agad dalhin sa mga ospital para sa isolation at treatment.

Sa ngayon, na-establish na rin ang mga protocols para sa detection, specimen collection, pagpapadala sa mga specimen sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ang pagbiyahe sa mga suspected cases sa mga referral hospitals.

Noong buwan ng June, nailagay na rin ang real time polymerase chain reaction (PCR) sa RITM para ma-detect ang posibleng kaso ng monkeypox virus cases sa bansa.

Nag-organisa na rin ang Quezon City Epidemiology Surveillance Unit (QCESU) ng quick response team para sa monkeypox contact tracing response.

Tiniyak din ng mga ito na sapat ang mga personal protective equipment at logistical needs at ang mga magsasagawa ng contact tracing ay sapat ang bilang.

Kung maalala, noong Hulyo 23 nang ideklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox bilang “public health emergency of international concern.”

Ito ang pinakamataas na alarma para sa naturang virus.

Tiniyak din ng WHO na susuportahan ng mga ito ang Department of Health (DoH) matapos ma-detect sa bansa ang unang kaso ng monkeypox.