Hirap na ang mga ospital sa Metro Manila at mga kalapit na lugar sa dami ng COVID-19 patients sa ilalim ng kanilang pangangalaga, ayon kay Dr. Marylaine Padlan ng One Hospital Command Center.

Pag-aamin ito ni Padlan sa harap nang pagkabahala ng maraming health workers hinggil sa health care utilization rate data na ipinakita ng pamahalaan kung saan nakasaad na hindi naman daw papalo sa 100 percent ang utilization na taliwas sa nangyayari sa ground.

Ayon kay Padlan, aabot pa rin sa 400 hanggang 500 tawag ang natatanggap nila kada araw para magtanong kung saan maaring makapagpa-admit ang kanilang COVID-19 patient.

Bukod sa Region 4A, Region 3 at National Capital Region, nasa high risk na rin ang health care utilization rate sa Regions 1 at 2, pati na rin sa Cordillera Administrative Region at Caraga Administrative Region.

Magugunita na mula noong Agosto 21, pumapalo sa 13,000 hanggang 26,000 ang bilang ng naitatalang bagong COVID-19 cases sa kada araw sa bansa.

-- Advertisement --