-- Advertisements --

Lilimitahan na lang daw para sa mga severe at critical COVID-19 cases ang mga ospital para maiwasan ang congestion o pagkapuno ng mga pasilidad sa halo-halong pasyente ng pandemic na virus.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, dapat mahikayat ang mga pasyente ng COVID-19 na hindi seryoso ang sitwasyon na sa mga community isolation facilities magpagaling.

“Ang ibig naming baguhin iyong health seeking behavior ng ating mga kababayan.”

“We will have a redistribution system to determine sino ang pwede sa hospitals at sa temporary treatment facilities, at matukoy iyong facilities saan puede pumunta ang pasyente.”

Sa ngayon nasa pagitan ng 25 hanggang 30-percent ng 70,000 beds sa higit 8,000 community isolation centers ang okupado ng mga suspect at probable cases.

Nasa 40 hanggang 50-percent naman ang occupancy rate ng MEGA Ligtas Quarantine facilities na inilaan para sa mild at asymptomatic patients.

Paliwanag ni Duque hindi pwedeng ma-overwhelmed o mapuno ang mga ospital para makapang-gamot sila ng mga severe at critical cases.

“Hindi pwedeng pati mild cases ay doon sa ospital. Hindi natin puedeng hayaan na ganoon ang mangyari kasi maooverwhelm ang ating hospital system.”

Kamakailan nang sabihin ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na hindi na rin inirerekomenda ng gobyerno ang home quarantine sa mga asymptomatic at mild cases. Dapat daw ay sa community isolation facilities na rin sila magpagaling.

Ayon naman sa DOH, maaari pa ring mag-home quarantine ang nasabing mga pasyente basta’t masusunod lang inilatag na protocols dito.

Ngayong araw, humabol ang The Medical City sa Pasig City sa mga ospital sa Metro Manila na nag-anunsyo ng full capacity sa inilaang pasilidad sa COVID-19 patients.