-- Advertisements --

Ibinahagi ni Senador Risa Hontiveros na nananatiling matatag ang mga residente ng Pag-asa Island sa kabila ng panghaharang ng mga barko ng China sa kanilang pangingisda sa ancestral fishing grounds.

Aktibong kumikilos ang lokal na pamahalaan at mga mangingisda upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan, habang patuloy ding isinusulong ang serbisyong pangkalusugan at edukasyon sa isla.

Ayon kay Hontiveros, ramdam ng komunidad ang tagumpay ng Pilipinas sa arbitral award noong 2016 at ipinapasa pa ito sa mga kabataan bilang bahagi ng kanilang kamalayan.

Kaugnay nito, isinusulong sa Senado ang West Philippine Sea Mandatory Education Bill upang palalimin ang kaalaman ng mga Pilipino sa kahalagahan ng pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa dagat.

Dagdag pa ng senadora, nadagdagan ng P8.6 bilyon ang pondo ng Philippine Coast Guard ngayong 2026 upang palakasin ang operasyon sa West Philippine Sea, kabilang ang pagbili ng mga bagong barko.

Itinuring din niyang mahalaga ang pagtatatag ng bagong Coast Guard district sa lugar bilang tugon sa patuloy na panghihimasok ng Tsina.

Bukod sa presensya ng gobyerno, inaasahan ang suporta mula sa Simbahang Katolika na magtatayo ng kapilya, gayundin ang mga pribadong sektor at civil society groups.

Para kay Hontiveros, inspirasyon ang mga residente ng Pag-asa Island na araw-araw ay isinasabuhay ang paninindigan na “West Philippine Sea, atin ito.”