-- Advertisements --

Mga opisyal ng Negros Oriental, nag-organisa ng “lechon dinner” upang ipakitang ligtas kainin ang mga pork at pork products ng lalawigan sa kabila ng naitalang kaso ng African Swine Fever

Tiniyak ng mga opisyal ng Negros Oriental sa publiko na ligtas kainin ang mga pork at pork products sa kabila ng naiulat na kaso ng African Swine Fever (ASF) sa mga bayan ng Dauin at Sibulan.

Nag-organisa ang mga lokal na opisyal ng “lechon dinner” kung saan sila mismo ang kumain ng lechon sa pangunguna ni Sangguniang Panglalawigan (SP) Committee Chair on Agriculture Woodrow Maquiling Sr., kasama sina Provincial Health Officer Dr. Liland Estacion, Negros Oriental Police Provincial Director PCOL Alex Recinto, Provincial Veterinarian Belinda Villahermosa at mga opisyal ng Bureau of Animal Industry.

Iginiit ng mga ito na ang kontaminasyon ng ASF ay nakapaloob lamang sa isang barangay ng bawat bayan at ligtas na kainin ang mga baboy mula sa ibang bahagi ng lalawigan na ibinebenta sa palengke dahil pumasa pa umano ito sa National Meat Inspection Service (NMIS).

Binigyang-diin ni Bureau of Animal Industry ASF Coordinator For Visayas Josh Cruz na walang masamang epekto ang ASF sa kalusugan ng tao ngunit pinayuhan ang publiko na kailangan pa rin ang tamang paghawak ng pagkain at pagluluto ng karne sa mataas na temperatura para tuluyang maalis ang virus.

Gayunpaman, maaari pa ring maging tagadala ng virus ang mga tao na maaaring maipasa sa mga baboy at maaaring magdulot ng sakit kaya mahalagang obserbahan ang mga bio-security measure, disinfection, at sanitation bago magkaroon ng contact sa mga baboy.