-- Advertisements --

Nakahanda si Marikina Mayor Marcelino Teodoro at kaniyang mga local officials na unang magpabakuna laban sa coronavirus disease para magkaroon ng tiwala ang publiko sa vaccination program ng pamahalaan.

Sinabi ni Teodoro na maingat ang mga residente ng Marikina dahil gusto muna nilang may sizable number, gayundin ang masiguro na ligtas at epektibo ang gamot ay saka lamang sila magpapabakuna.

Hindi raw tumitigil ang alkalde na kumonsulta sa mga citiy officials, partikular na kay Vice Mayor Jose Fabian Cadiz at iba pang konsehal, para hikayatin ang mga ito na maging pioneer sa pagpapabakuna.

Naisip ni Teodoro ang hakbang na ito upang ipakita aniya sa publiko na ang mga naunang magpaturok ng bakuna ay tiwala na ligtas at epektibo ito.

Bumuo na rin ito ng task force na mga eksperto upang tumulong naman sa proper information dissemination ng bakuna at kumonsulta sa mga residente ng lungsod.

Ayon pa kay Teodoro, hahayaan nito ang mga eksperto na magpaliwanag sa mga residente tungkol sa bakuna dahil mas sila ang nakakaalam tungkol sa naturang paksa.

Kahapon ay inanunsyo nito na magbubukas ang Marikina ng Mega Vaccination Facility upang mabakunahan ang nasa 10,000 katao bawat araw.