“Dream come true.”
Ito ang mga katagang binitawan ni Cebu City Mayor Mike Rama kasabay ng matagumpay na groundbreaking ceremony nitong Lunes, Pebrero 27, ng Cebu Bus Rapid Transit na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isa pa umano itong mahalagang kaganapan na hindi mabubura sa kasaysayan at sa kanyang isipan.
Sa panig ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, isa naman umano itong ‘historic day’ para sa mga Cebuano dahil sa wakas ay naisakatuparan na rin ito magmula nang ito’y pinaplano sa matagal ng panahon.
Inalala pa ni Garcia ang naging unang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo kung saan malinaw pa umano nitong sinabi na maipatupad na rin sa wakas ang Bus Rapid Transit sa Cebu.
Tiwala pa ang gobernadora na may prinsipyo din ang punong ehekutibo na tutuparin ang mga pangako ang hindi lang sa salita.
Ayon naman kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang makabagong transport project na ito ay nagsisilbi pa umanong makabuluhang regalo ng Pangulo sa mga taga-Cebu.
Ang 16.3 bilyong proyekto ay magdadala ng maraming benepisyo sa mga residente ng Metro Cebu tulad ng pagbawas sa oras ng paglalakbay at pagpapalakas din ng economic productivity sa iba’t ibang komunidad sa pamamagitan ng mahusay na mobility ng mga kalakal at serbisyo ng mga pasahero.
Magbibigay din ito ng mas mahusay na seguridad sa trabaho at mga kondisyon sa pagtatrabaho at mabawasan ang mga aksidente sa sasakyan at pedestrian.
Samantala, inaasahang magiging partially operational ang Cebu bus transit sa 4th quarter ng 2023 at fully operational sa 2nd quarter ng 2025.