Hindi pa umano maganda at nakakasira lang sa ekonomiya ang deklarasyon na nagmula sa isla ng Negros ang baboy na nagpositibo sa African Swine Fever sa Carcar City, Cebu.
Inihayag ni Board Member Woodrow Maquiling Sr., chairman ng Agriculture Committee ng Negros Oriental, na wala umanong basehan ang inilabas na deklarasyon at hindi rin umano ma-identify kung saang lugar o probinsya ito nagmula para hindi maapektuhan ang mga traders nag-aalaga ng baboy sa isla.
Duda pa ang opisyal na galing sa Iloilo at nakalusot ang baboy na nakumpirmang nagpositibo ng nasabing sakit sa Cebu.
Nilinaw pa ni Maquiling na nanatiling walang naitalang kaso ng African Swine Fever ang Negros Oriental.
Paliwanag pa nito na hinihigpitan ng lalawigan ang mga hakbang sa pagkontrol laban sa posibleng pagpasok ng kinatatakutang sakit na nakakaapekto sa mga baboy sa pamamagitan ng ordinansa ng probinsya.
Kinumpirma naman ito ni Bureau of Animal Industry Provincial head Alfonso Tundag na nananatiling ASF-free ang lalawigan.
Maliban pa, kinumpirma rin ni Tundag na positibo sa nasabing sakit ang kinuhang samples sa Carcar City at ipinadala sa animal industry.
Bilang hakbang para maprotektahan ang P4 billion swine industry ng lalawigan, nagpatupad na ng complete banning sa mga baboy at produktong baboy hilaw man o luto mula sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever.