KORONADAL CITY – Kinilala na ng Western Mindanao Command ang mga biktima na binawian ng buhay sa nangyaring pagbagsak ng rescue chopper sa bayan ng Lantawan, Basilan matapos pumayag na ang Philippine Air Force na isapubliko ang pangalan ng mga nasawi.
Ayon kay Wesmincom spokesperson Lt. Col. Alaric Delos Santos sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinilala ang mga ito na sina:
- Maj. Jessie Miller ng Capas, Tarlac na siyang pilotong S-76 Sikorsky Air Ambulance;
-1Lt. Mack R. Ferrer na na-assign sa Villamor Airbase at ang co-pilot; - at ang dalawang crew nito na sina SSgt. Miguel Bañas ng Lipa City, Batangas at Benedict Tolial Jr na tubong Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Lt. Col. Delos Santos, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nangyari kung saan isa umano sa mga tinitingnang anggulo ng pagbagsak ay ang masamang panahon.
Ngunit hindi pa masasabi ng opisyal ang totoong dahilan ng insidente at ipinapaubaya niya ito sa mga eksperto.
Umaasa na lamang ang opisyal na hindi na mauulit pa ang pangyayari lalo na’t ito ang unang kaso ng pagbagsak ng isang rescue chopper.
Kung matatandaan, mula sa Zamboanga City ang nasabing helicopter upang i-airlift ang mga sugatang sundalo sa nangyaring Jolo twin blasts noong nakaraang buwan ng Agosto nang bumagsak ito sa Barangay Upper Manggas malapit sa plantasyon ni Mayor Nasser Abubakar.