Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa wildfire sa Lahaina sa Maui island sa Hawaii.
Batay sa pinakahuling tala ng mga kinauukulan, pumalo na sa 67 ang bilang ng iniwang patay ng naturang trahedya.
Ayon sa mga otoridad, ang naturang bilang ay inaasahang mas madadagdagan pa sa paglipas ng mga araw sa gitna ng nagpapatuloy na search and rescue operations nito mula sa mga lugar na una nang tinupok ng apoy.
Samantala, tatlong araw na ang nakakalipas ay hindi pa rin malinaw sa mga otoridad kung nakatanggap ba ng warning ang mga residente sa nasabing isla hinggil sa banta ng naturang wildfire.
Kahit na mayroon kasing mga emergency siren sa isla para sa pagbabala sa mga natural disasters at iba pang banta ay tila hindi raw ito tumunog o nag-alarm noong kasagsagan ng wildfire.
Kung maalala, sa ngayon ay tumulong na rin ang United States National Guard na binubuo ng 133 na mga reserves ng US army at airforce para sa pag-apula sa malawakang apoy sa Hawaii gamit ang ilang helicopters kabilang na ang heavy lifting two-rotor Chinooks.