-- Advertisements --
image 48

Nais daw munang masiguro ng Department of Agriculture (DA) kung ligtas na gamitin ang mga nakumpiskang puting sibuyas bago ito ibenta ng mas mura sa mga Kadiwa stalls.

Ayon kay DA deputy spokesperson Rex Estoperez, kasunod na rin ito ng kanilang planong ibenta na lamang sa mas murang presyo ang mga nakumpiskang puting sibuyas sa serye ng raid na kanilang isinagawa noong mga nakalipas na linggo.

Ang smuggled na sibuyas na tinatayang nagkakahalaga ng P3.9 million ay dinala sa warehouse ng Bureau of Plant Industry para sa inventory.

Sinabi ng Bureau of Plant Industry na ang mga sibuyas ay walang phytosanitary permit na ibig sabihin ay posibleng hindi raw ligtas para sa human consumption dahil posibleng naglalaman ito ng kemikal.

Nakatakda na sanang sirain ang naturang mga sibuyas pero dahil pinag-iisipang ibenta na lamang sa Kadiwa stalls ay hindi muna ito ginalaw.

Una na rin umanong nagbigay ng go signal si DA Usec. Domingo Panganiban para pag-aralan muna kung ligtas ang mga sibuyas na ibenta.

Samantala, patuloy na rin umanong nagsasagawa ang Department of Agriculture ng onion inventory sa mga storage facilities mula nang tumaas ang presyo ng sibuyas.

Sa kabila naman ng pagtaas ng presyo ng sibuyas ay nilinaw naman ng opisyal na hindi pa sila nag-iisyu ng certificate of necessity to import.

Ito ay kaugnay ng nauna nang pagkonsidera ng Agriculture department na pag-import ng sibuyas para matugunan ang market demand.

Sa ngayon, sinabi ni Estoperez na ang kasalukuyang inventory ng red onions ay nasa 13,000 metric tons at inaasahan nila ang maaaning 5,000 metric tons sa una o ikalawang linggo ng December.