CENTRAL MINDANAO – Nagnegatibo ang nasa 33 katao sa isinagawang PCR test matapos na nakasalamuha ng confirmed COVID-19 patient sa probinsya ng Cotabato.
Sinabi ni Cotabato Inter-Agency Task Force COVID-19 spokesperson at board member Dr Philbert Malaluan, walong katao sa bayan ng M’lang na nakasabay sa ambulansya ng estudyante mula sa Davao City at maging ang nakasama nito sa bahay ay nagnegatibo sa COVID-19.
Anim naman sa Matalam at Kabacan na nakasalamuha ng COVID-19 patient na mula sa Cotabato City na nakapunta sa nasabing mga bayan bago paman nakitaan ng sintomas ng nakakahawang sakit.
Umaabot naman sa 19 katao mula sa bayan ng Banisilan at Kidapawan City na nakasalamuha ng isang construction driver na positibo sa COVID-19 ang nagmula sa Misamis Oriental.
Isasailalim sa 14-day quarantine ang mga nakunan ng swab sample pero hindi na sila kukunan pa sa pangalawang pagkakataon ng PCR test.
Kampante si Malaluan na walang nagyayaring local transmission sa probinsya ng Cotabato.
Nagnegatibo rin sa nakakahawang sakit ang mga medical healthworker na nag-alaga sa 19-anyos na binata na nasa maayos na ang kondisyon.
Hiniling ni Malaluan na iwasan ang diskriminasyon at pambabastos sa mga nagpositibo sa COVID-19.