Naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na magandang ideya ang paglalagay ng isda sa mga community pantry tables.
Ayon sa ahensya, ang stabilization ng suplay ng isda at presyo nito sa Maynila ay maaaring magbigay-daan sa mga Pilipino na bumili ng bultuhang isda at ipamahagi ito sa iba sa pamamagitan ng community food drive.
Sinabi ni Undersecretary for Agri-Industrialization and Fisheries Cheryl Marie Cabellero na maaaring magpunta ang sinoman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at bumili ng bultuhang mga isda upang tumulong sa mga nangangailangan.
Nakahanda rin aniya ang ahensya na sagutin ang logistics nito.
Kaya ang apela nito sa publiko na nagbabalak magbigay ng isda bilang donasyon, gawin itong available sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga community pantries.
Dagdag pa ni DA spokesman and Assistant Secretary Noel Reyes na suportado ni Agriculture Sec. William Dar ang naturang community food initiative. Ibinahagi rin nito na kasalukuyang pinoproseso ng ahensya ang pagkakaroon ng parehong programa sa tulong ng KADIWA.
Kabi-kabilang community pantries na ang nagsulputan sa Metro Manila at mga probinsya upang mamigay ng pagkain at supplies sa mga nangangailangang Pilipino.