Nasa 25 high-ranking police officials na lamang daw ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation na direktiba ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sa ngayon nasa kabuuang 928 na ang bilang ng mga police colonels at generals ang nagsumite ng courtesy resignation o katumbas na ito ng 97 percent.
Kahapon lamang nang makatanggap daw ang police headquarters ng 24 na resignations mula sa mga senior officers ng Pambansang Pulisya.
Una rito, sinabi ni Sec. Abalos noong Biyernes na hindi na raw kailangang ilabas ang pangalan ng mga opisyal ng Philippine National Police na sangkot sa illegal drug trade.
Ang lahat naman ng mga resignation documents ay bubusisiin at sasalain ng 5-member panel na ang mga miyembro ay hindi na inaanunsiyo maliban na lamang kay dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sila din ang magdedetermina kung ano ang mga gagawing aksiyon sa mga tinatawag na “ninja cops.”
Dagdag pa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary na mayroon daw kapangyarihan ang bubuuing komite kung papaano iha-handle ang finding sa pamamagitan ng paghahain ng mga kaso o ang maagang pagpaparetiro sa mga pulis.