-- Advertisements --

Binalaan ni Deputy Speaker for Trande and Industry Rep. Wes Gatchalian ang publiko laban sa mga mapang-abusong nagbebenta ng Ivermectin sa online bilang gamot sa COVID-19.

Sa isang statement, sinabi ni Gatchalian na bagama’t kinaklasipika ng online e-commerce sites gaya ng Lazada ang Ivermectin bilang veterinary drug, hindi malabong mayroong mapagsamantalang mga indibidwal ang magbebenta ng gamot na ito sa publiko lalo pa at napaulat na umano’y nakakatulong sa paggaling ng COVID-19 patient ang naturang gamot.

Kapansin-pansin aniya na sa ngayon dumami ang bilang ng mga nagbebenta sa online ng Ivermectin.

Pero dapat maintindihan aniya ng publiko na ang gamot na ito ay hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) para inumin ng tao at maaring mapanganib sa kalusugan ng mga consumers.

Ngayong wala pang nailalabas na compassionate special permit ang FDA para sa Ivermectin bilang gamot sa COVID-19, hindi dapat ito gamitin ng publiko.

Sa kasalukuyan, nakarehistro aniya ang Ivermectin bilang anti-parasitic drug para sa mga hayop.