Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology sa publiko hinggil sa mga kumakalat na leaked data ng Philippine Health Insurance Corp.
Ito ay sa kadahilanang naglalaman ng malware o malicious software ang mga ito sa oras na ma-access ng isang indibidwal ang nasabing data ng state health insurer na kamakailan lang ay nabiktima ng medusa ransomware.
Sa isang pahayag ay ipinaliwanag ni DICT Secretary Ivan John Uy na ang data na may malware ay maaaring ilagay sa mga gadgets, applications, at iba pang information risk.
Ito aniya ay isang intrusive software na ginagamit ng mga cybercriminals upang magnakaw ng mga data at makapinsala sa mga computer system.
Paalala ng opisyal sa publiko ay huwag basta basta mag-access at magdownload ng mga files upang hindi mabiktima ng malware.
Aniya, batay sa kanilang imbestigasyon ay gumamit ang mga hacker ng messaging app na Telegram para para maikalat ang digitally stolen information mula sa system ng Philhealth habang nananatiling anonymous at mahirap ma-trace.
Samantala, sa ngayon ay sinabi naman ng DICT chief na wala pa rin itong natatanggap na anumang ulat hinggil sa ilegal na paggamit ng na-hack na data ng Philhealth