Muling kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang kabayanihan ng 82 miyembro ng Philippine Inter-agency Humanitarian Contingent na ipinadala sa Turkey para tumulong sa disaster response sa nasabing bansa nang dahil sa malaking epekto ng pagtama ng malakas na lindol doon.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng “Bakas parangal kabayanihan award” nang dahil sa kanilang ipinamalas na kabayanihan at kagitingan sa pagtulong sa pagresponde sa mga biktima ng nasabing magnitude 7.8 na lindol sa nasabing bansa.
Ang naturang parangal ay pinangunahan nina National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Health OIC Secretary Maria Rosario Vergeire, NDRRMC Executive Director and Civil Defense Administrator USEC. Ariel Nepomuceno, at MMDA Acting Chairman Romando Artes na ibinigay sa bawat team leader ng bawat ahensya sa ngalan na rin ng kanilang mga miyembro.
Sa isang pahayag ay sinabi ni NDRRMC at National Defense Secretary Carlito Galvez Jr. na isang malaking karangalan para sa buong Pilipinas at ipinagmamalaki ng buong bansa ang tagumpay ng mga ito sa paggawa ng kanilang mahalagang misyon doon.
Samantala, bukod dito ay nakatanggap din ng nasa PHP4.1 million na monetary incentives ang mga miyembro ng Philippine Contingent mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang “Bakas parangal” ay na-institutionalize noong August 2012 alinsunod sa NDRRMC Memorandum Circular No. 11 s 2012.
Ito ay ibinibigay bilang pagkilala sa merits o pasasalamat na rin sa mga indibidwal o grupo na nagpakita ng kapuri-puring gawain na nagpapakita ng pagiging hindi makasarili na pagtulong sa mga nangangailangan sa panahon ng sakuna.