Patuloy sa pagtatrabaho ang mga Kongresista kahit na naka-break ang Kongreso, gaya ng bilin ni Speaker Martin Romualdez.
Nuong Lunes, personal na sinaksihan nina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Laguna Rep. Dan Fernandez, Patrol Party-list Rep. Jorge Bustos, at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs sa Cavite ang ginawang pagsunog sa may P6 bilyong halaga ng iligal na droga na nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Iniimbestigahan ng komite ni Barbers ang nakumpiskang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Barangay San Jose Malino, Mexico, Pampanga, at ang shabu extender na nakuha sa isang abandonadong sasakyan sa parking lot ng isang supermarket sa Mabalacat City, Pampanga.
Ayon sa PDEA kasama sa sinunog ang 274 kilo ng shabu na nakumpiska sa Manila International Container Port noong Oktobre 6 at ang 208 kilo ng shabu extender na narekober sa Mabalacat City.
Sinunog umano ang mga ito dahil hindi na kailangan bilang mga ebidensya.
Hindi naman sinunog ang 530 kilo ng shabu na nakuha sa warehouse sa Barangay San Jose Malino dahil hindi pa umano tapos ang isinasagawang imbestigasyon dito.
Ipinatawag ng komite ni Barbers ang negosyanteng si Willy Ong na siyang may-ari ng warehouse sa Barangay San Jose Malino sa susunod na pagdinig nito.
Pinatitiyak naman ni Barbers sa PDEA na malakas ang kasong isinampa nito laban sa mga nagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
Siniguro naman ni Barbers na suportado ng Kongreso ang mga law enforcement agency sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.