Dapat bigyan nang sapat na oras upang magpahinga at mag-rehydrate ang mga manggagawa ng gobyerno na nagtatrabaho sa labas upang maiwasan ang heat exhaustion at heatstroke.
Ito ang naging pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian kung saan hinimok nito ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga contingency plan upang maprotektahan ang mga street sweepers, traffic enforcers, at construction workers mula sa masamang epekto ng mainit na panahon na dulot ng El Niño.
Saad pa ng Senador, bukod sa pagpapahintulot na magpahinga sa oras ng trabaho, ang anumang contingency plan na pinagtibay ng mga LGU ay kailangang kasama rin ang pagbibigay ng angkop na kasuotan upang makatulong na maprotektahan ang mga manggagawa mula sa heat stress.
Gayundin, hinikayat niya ang mga pribadong kumpanya na magpatibay ng naaangkop na mga contingency plan para sa kanilang mga empleyado na may outdoor exposure o fieldwork, dagdag niya.
Binigyang-diin ni Gatchalian na sa kabila ng pahinga na dapat ibigay sa mga manggagawang, dapat ay ibigay sa kanila ang kanilang regular na sweldo nang walang bawas.