Hindi ramdam ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng mga gulay bunsod iyan nang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa ilang mga nauna nang mamili ng mga gulay gayundin ng ilan pang mga sangkap na gagamitin sa pagluluto, wala naman daw umanong paggalaw sa presyo ng mga bilihin lalo na ang presyo ng mga gulay.
Ayon kay Ashilyn, isang Medical Student, at mag-isa lang na naninirahan, sa palengke daw talaga siya namimili ng mga produkto kaysa sa mga mall.
Bagama’t sa palengke namimili si Ashilyn, hindi raw niya ramdam ang pagbaba ng presyo ng mga gulay.
Samantala, sa pahayag naman ni Patricia, isang nursing student, ang lahat daw ng kanyang mga bibilhin na gulay ay gagamitin nila sa school at inaasahan na raw niya ang pagtaas ng mga ito bunsod nang pagtaas na rin ng ilan pang mga bilihin.
Una rito, nagkaroon ng pagbaba ng presyo ng mga gulay sa ibang pamilihan sa Metro Manila, kahit na ang ibang produkto sa merkado ay tuloy-tuloy ang umento.
Kung dati ang presyo ng ampalaya na nabibili natin ay aabot lamang ng 150 pesos kada kilo, sa ngayon ay nagkakahalaga na lang ito ng 100 piso kada kilo.
Ang siling labuyo naman ay bumaba rin ng 50 pesos, at nagkakahalaga na lamang ito ngayon ng 350 pesos per kilo.
Gayundin sa petchay, mabibili na lamang ito ngayon ng 60 pesos kada kilo.
Samantala, ang presyo ng sibuyas ay mabibili na lamang ngayon ng 180 pesos mula sa dating presyo na 200 pesos.
Bagama’t kung tututuusin isa itong magandang balita sa mga mamimili, ngunit hindi raw nila naramdam ang pagbaba ng presyo ng gulay sapagkat mataas pa rin daw ang ilang mga bilihin sa merkado.