CAUAYAN CITY – Pinuri ng isang Pilipino nurse ang COVID-19 response ng pamahalaang Norway.
Nakamit ang hangaring maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa Norway dahil sa ipinakitang pakikiisa ng mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Jeffrey Javella, asst. nurse sa isang ospital sa Norway at tubong lungsod ng Bacolod na 85% na ng mga mamamayan sa naturang bansa ang nabakunahan kontra COVID-19.
Sinimulan na rin ang pagbabakuna sa nasa edad 12 hanggang 15 at inaasahang matatapos sa buwan ng Disyembre.
Ang face-to-face classes sa Norway ay nagsimula noong buwan ng Agosto at wala nang nagsusuot ng face mask ngunit ipinaiiral ang social distancing.
Balik na aniya sa normal ang pamumuhay ng mga tao kahit may mga naitatala pa ring kaso ng COVID-19 sa Norway.
Ang tinamaan ng sakit ay puwede lang manatili sa kanilang bahay at puwede nang lumabas kapag negatibo na sa swab test.