CAUAYAN CITY- Muling isasagawa ang 1 million tree planting activity sa Cagayan River na bahagi ng Riparian Zone sa Alinguigan 2nd Ilagan City hanggang sa Sitio Catengtengan, Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Layunin ng nasabing aktibidad na mapigilan ang malawakang pagbaha na maaring maranasan kapag may kalamidad.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Provincial Government ng Isabela matapos ang isinagawang One million trees in one day tree planting activity noong Disyembre 2019 ay muli itong isasagawa sa Ilagan City hanggang sa bayan ng San Pablo sa buwan ng Disyembre.
Pangungunahan ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang naturang aktibidad.
Naglatag naman ng online registration ang pamahalaang panlalawigan at hinihikayat ang lahat na makiisa para matiyak ang matagumpay na muling pagsusulong ng pagkakaisa para sa pagpigil sa malawakang pagbaha sa lalawigan tuwing may sakuna.