-- Advertisements --
royal family

Mahalaga ang papel na gagampanan ng panganay na anak ni King Charles III at tagapagmana ng trono na si Prince William sa Royal coronation ngayong araw, Mayo 6.

Si Prince William ay magbibigay-pugay sa kaniyang ama sa pamamagitan ng pagluhod sa harapan ni King Charles III kasabay ng panunumpa ng kaniyang loyalty o katapatan.

Ang panganay na anak naman ni Prince William na si George na ikalawang sunod na tagapagmana sa trono ay isa sa 4 pages of honor ni King Charles III at sasama sa prosesyon patungo sa nave o sentro ng Westminster Abbey.

Ang dalawang nakababatang anak naman ni Prince William na sina Princess Charlotte at Prince Louis na ikatlo at ikaapat sa line of succession kasama si Prince George at kanilang magulang sa karwahe bilang bahagi ng grand procession pabalik ng Buckingham Palace.

Ang bunsong anak naman ni King Charles III at ika-5 tagapagmana sa trono na si Prince Harry ay hindi magkakaroon ng official role sa seremoniya at hindi makikibahagi sa prosesyon. Inaabangan din kung kasama si Prince Harry sa Royal family na lalabas sa balkonahe para batiin ang crowds na hudyat ng pagtatapos ng koronasyon.

Ang kapatid naman ni King Charles III na si Princess Ann ay sasakay sa likod ng karwahe nina King Charles III at Queen Consort Camilla sa posisyon na tinatawag na Gold Stick na ginawa noong pamumuno ni Henry VII.

Si Prince Andrew naman na ikatlong anak ni Queen Elizabeth ay dadalo sa koronasyon subalit hindi ito magkakaroon ng official role.

Una ng tinanggalan ng royal duties si Prince Andrew dahil sa pakikipagkaibigan nito sa convicted sex offender at pagkakasangkot sa sex assault.