Hinihimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga magulang at bantay ng mga bata na kung maaari ay panatilihin na lamang sa loob ng bahay ang mga menor de edad.
Ito’y sa harap na rin nang patuloy na pagtaas ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Delta variant cases at habang pinag-aaralan pa ng Inter Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang proposed suspension sa pagpayag sa mga bata na gumala sa labas.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, nawa’y maunawaan ng mga magulang na sa kasalukuyan ay hindi pa ganap na alam ang epekto ng Delta variant kaya minabuti muna ng mga alkalde ng Metro Manila na hilingin sa IATF ang pagpayag sa mga bata na makalabas ng bahay.
Sa ngayon, nakapagpadala na aniya ang Metro Manila Council ng liham kay Health Secretary Francisco Duque III hinggil sa proposal ng mga alkalde kasunod na rin nang paghingi ng payo sa mga eksperto.
Dahil hindi pa bakunado ang mga menor de edad, sinabi ni Abalos na dapat manatili muna ang mga ito sa loob ng kanilang bahay.
Kung maaalala, pinayagan na ng Food and Drugs Administration ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine na gawa ng Pfizer sa mga batang edad 12 hanggang 15-anyos pero sa ngayon ay hindi pa ito nasisimulan ng pamahalaan.