Umapela si AKO-Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na hayaan nang huwag gumamit ng barrier sa pagitan ng angkas at driver ng motorsiklo kung mag-asawa naman ang mga ito.
Wala naman kasi aniyang saysay kung pagdating sa pag-angkas sa motorsiko ay obligahin ang mag-asawa na gumamit ng barrier dahil kung tutuusin ay “nagkakapalitan talaga ng bodily fluids” ang mga ito.
Dapat exempted rin aniya sa naturang panuntunan ang driver at angkas na magkasama naman talaga sa bahay tulad ng mag-tatay o nanay at magkapatid.
Gayunman, dapat nakasuot aniya ang mga ito ng full face helmet na may visor shield; face shield at surgical face mask; N95 face mask at face shield; face shied at protective eye shield; o full-body personal protective suit.
Sapat na aniya ang options na ito laban sa respiratory droplets, at hindi rin delikado o makakaapekto sa driving conditions.
“Any of these options would be better than attaching that plastic shield with frame to the body of motorcycles,” ani Garbin.
“My fear of serious and deadly road accidents from that shield attachment is real. The trade-off of risks is unacceptable,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Garbin na takaw aksidente pa ang paglalagay ng barrier, na gustong ipatupad ng IATF.