Humina ang halaga ng piso sa P57.45 kontra dolyar, ang pinakamahinang antas mula noong Marso 26, 2025, ayon sa Bankers Association of the Philippines (BAP).
Batay sa mga ekonomista, posibleng manatiling mahina ang piso dahil sa nararanasang tensyon sa Middle East at Europa, tulad ng kasalukuyang sigalot sa Israel at Iran.
Bagama’t hindi ito inaasahang magdudulot ng malaking epekto sa inflation, maaaring makaapekto ito sa kita ng mga exporter at manufacturing sector.
Sa ibang banda, bumaba rin ang Purchasing Managers Index (PMI) ng bansa sa 50.1 noong Mayo, mula 53 noong Abril, indikasyon ng paghina ng performance ng mga pabrika sa bansa.
Nagbabala rin ang mga ekonomista na maaaring dumagsa ang mga produkto ng Tsino sa Pilipinas dahil sa mga bagong taripang ipinataw ng U.S. na maaari naman umanong makasama sa local production at trabaho.
Gayunpaman, maaari umanong makatulong din ang pagbaba ng piso sa mga local exporter at mga manggagawa.
Samantala, naniniwala naman ang ilang mga ekonomista na pansamantala lamang ang paghina ng piso at inaasahan na muling lalakas ito pagpasok ng remittances ng mga overseas Filipino workers ngayong pasukan at sa darating na kapaskuhan.