-- Advertisements --

Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra na mananagot sa batas ang mga lumalabag sa mandatory Coronavirus disease 2019 (COVID-19) quarantine protocols.

Ayon sa kalihim ng Department of Justice (DoJ), haharap sa kasong kriminal ang mga mapatunayang lalabag sa protocol ng pamahalaan.

Aniya, ang mga quarantine violators ay may pananagutan sa ilalim ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act o Republic Act 1132.

Naniniwala rin si Guevarra na hindi isolated cases ang napaulat na pagtakas ng isang indibidwal na naka-hotel quarantine at dumalo sa party.

Isa umanong public health issue ang COVID-19 lalo na’t mayroon pang iba’t ibang variant kayat hindi dapat balewalain ang mga protocol na itinakda ng Inter Agency Task Force (IATF).

Nagbabala rin si Guevarra sa mga naka-quarantine na huwag gayahin ang dalawang returning Filipinos mula Estados Unidos na hindi tinapos ang mandatory quarantine period dahil kung gagawin nila ito ay siguradong haharap sila sa kaukulang kaso.

Kung maalala, ang naturang Pinay ay nag-positibo sa COVID-19 at kinalaunan ay nagpositibo rin ang kanyang mga kasamahal sa dinaluhang party.