Nilinaw ng Department of Health (DOH) na maaari pa ring ipatupad ng mga local government units (LGUs) ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa kani-kanilang mga lugar.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na maaaring i-require ng mga LGU ang kanilang mga constituent na magsuot ng mask sa outdoor at indoor settings kung mayroong crowding.
Idinagdag niya na ang paggawa nito ay naaayon pa rin sa patakaran ng pambansang pamahalaan.
Ginawang halimbawa ni Vergeire ang mga lungsod ng Maynila at San Juan para sa pagdiriwang ng All Saints’ Day.
Sa Maynila, inihayag na ang mga taong bumibisita sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay kinakailangang magsuot ng face mask.
Sa San Juan, mandatory ang face mask kung umabot sa 50 percent capacity ng sementeryo ang bilang ng mga bisita.
Magugunitang, pinayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga “open spaces at non-crowded outdoor areas na may magandang bentilasyon” noong Setyembre.
Nag-issue na rin siya ng Executive order sa boluntaryong pagsusuot ng face mask sa mga indoor setting maliban sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan kabilang ngunit hindi limitado sa mga klinika, ospital, laboratoryo, nursing home, dialysis clinics; medikal na transportasyon, at pampublikong sasakyan.