Nilinaw ng Department of Health (DOH) na tanging ang mga gamot lang na naka-rehistro sa ilalim ng Food and Drug Administration (FDA) ang maaaring ibigay ng mga lisensyadong doktor sa kanilang mga pasyente.
Ito ang naging tugon ni Health Undesecretary Maria Rosario Vergeire nang tanungin kung ituturing na iligal sa mga doktor ang mag-prescribe ng Ivermectin.
May mga batas aniya sa Pilipinas na nagsasaad na ang mga gamot lang na naka-rehistro sa FDA ang maaaring ibigay ng mga licensed doctors sa kanilang mga pasyente.
Kaya kung ang isang gamot na binigay ng doktor ay hindi rehistrado, maituturing umano itong iligal na aktibidad.
Ipinaliwanag naman ni FDA Director General Eric Domingo na ang compassionate special permit (CSP) na ibinigay ng ahensya sa mga ospital ay hindi kinokonsidera bilang product registration ng Ivermectin.
Base raw sa probisyon ng CSP, tanging ang mga ospital lang ang pwedeng gumamit ng nasabing gamot.
Ibig sabihin lang nito na ang mga doktor lang sa ilang partikular na ospital ang maaaring magbigay nito sa mga pasyente na mula rin sa parehong ospital.
Ang tanging produkto lang kasi ng Ivermectin sa Pilipinas na naka-rehistro sa FDA ay for veterinary use lamang.