-- Advertisements --

LA UNION – Nagsagawa ng prayer vigil ang mga kasama at katrabaho ni Judge Mario Anacleto Bañez sa loob ng Regional Trial Court Branch 25 sa bayan ng Tagudin, Ilocos Sur dahil sa pagkamatay nito matapos tambangan sa lungsod ng San Fernando, La Union.

Ayon kay Rey Arthur Sontillano ng Public Attorney’s Office na nakabase sa naturang bayan, kabilang sa mga nakiisa sa pag-aalay ng panalangin ang mga kawani ng Municipal Trial Court at Prosecutor’s Office.

Naging emosyonal at malungkot ang mga nakakakilala sa napaslang na huwes habang ginugunita ang kanyang mga alaala noong ito ay nabubuhay at nakakasama pa nila sa trabaho.

Kinukondena rin ng mga kasama ni Judge Banez ay nangyaring pananambang at umaasa sila na makakamit ang katarungan.

Samantala, naka-half mast ngayon ang bandila ng Pilipinas sa harap ng Tagudin Municipal Hall habang nagsabit naman ng mga itim na tela ang hukuman bilang pagluluksa sa pagkamatay ng naturang huwes.

Sa kabilang dako, nagpaabot din ng pakikiramay sa naulilang pamilya ni Judge Banez ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) La Union Chapter.

Sa pamamagitan ng social media account sinabi ng pangulo ng IBP La Union Chapter na si Atty. Lorna Gacod na nalungkot sila sa nangyari kay Judge Banez.

Mariing kinukundena nila ang naturang karahasan na sinapit ng hukom.

Nanawagan ang IBP La Union Chapter sa otoridad na bilisan ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang maibigay agad ang katarungan sa biktima.