-- Advertisements --

Nilinaw ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maituturing na nuisance candidate ang isang kandidatong pinakiusapan lamang ng isang partido para tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa halalan.

Kasunod na rin ito nang pag-amin ng ilang political parties na scripted lamang ang paghahain ng isang kakandidatong presidente ng bansa at kalaunan ay papalitan din lamang ng isang pulitikong tatakbo talaga sa halalan.

Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, sa kanyang pananaw ang kakulangan daw ng sinseridad sa intensiyon ng isang kandidato tatakbo ay maghahain ng certificate of candidacy (CoC) ay kailangan munang patunayan.

Kung maalala, noon Lunes ay inamin ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) stalwart Prospero Pichay na naglagay lamang ang mga ito ng pansamantalang kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Dahil dito, ipinanukala ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na pagbawalan na ang substitution ng mga kandidato mula sa mga political parties dahil nagmumukha raw itong mockery o katatawanan.

Ang panukala ni Rodriguez ay suportado rin ni Senate President Tito Sotto III.

Nakatakda naman daw magbigay ng posisyon ang Comelec kaugnay ng panukala ng mga mambabatas sa oras na natanggap na ang kopya ng kanilang panukala.