-- Advertisements --
comelec coc filing 1

Umaabot na sa kabuuang 1,181,404 kandidato sa buong bansa ang nakapaghain na ng Certificate of Candidacy (COC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections na gaganapin sa Oktubre ngayong taon.

Sa consolidated report ngayong araw, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na nasa 65.75% o katumbas ng 776,781 kandidato na kalalakihan ang nakapaghain ng kanilang kandidatura habang nasa 34.25% o 404,623 naman ang kababaihan.

Para sa posisyon sa pagkakapitan na nasa kabuuang 42,001 sa buong bansa, mayroong 85,796 kandidato na ang nakapaghain ng COC.

Habang para naman sa pagka-konsehal, mayroong 638, 209 aspirants ang naghain ng COC na maglalaban sa 294,007 na mababakanteng posisyon para sa councilor.

Para naman sa SK chairperson, mayroon ng 75,434 ang nakapaghain ng COC at para naman sa SK member, mayroong 381,965.

Samantala, ipinagpatuloy na ngayong araw ng Sabado ang COC filing sa Metro Manila matapos ngang masuspendi noong Huwebes dahil sa masamang lagay ng panahon at magpapatuloy pa ito hanggang sa araw ng Lunes, Setyembre 4.

Gayundin ang paghahain ng COC sa Abra ay ipinagpatuloy na kahapon at magtatagal pa hanggang sa araw ng Lunes habang sa Ilocos Norte naman ay hanggang bukas na lamang extended ang COC filing.