-- Advertisements --

Hangga’t maari lahat ng mga kandidato sa halalan sa darating na Mayo ay dapat na makibahagi sa mga debate, lalo na sa mga inorganisa ng Commission on Elections, upang sa gayon ay maipakilala nila ang kanilang sarili sa mga botante sa pamamagitan ng kanikanilang mga plataporma, ayon sa isa sa mga opisyal ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Ayon kay PPCRV chairman emeritus Ambassador Henrietta De Villa na ang mga debate at mga fora ay ang tanging pagkakataon para mailatag ng mga kandidato sa mga botante ang kanilang mga plano para sa bansa sa oras na manalo man sila sa May 9 elections.

Sa pagsali rin sa mga aktibidad na ito ay mapapatunayan ng mga kandidato ang kanilang competence sa mga posisyon na kanilang ninanais.

Hindi aniya dapat matakot ang mga kandidato na sumali sa mga debate kung totoo naman talagang ang katotohanan ang kanilang iniaalok o inaalay sa taumbayan.

Hinimok naman ni De Villa ang mga botante na manood at makinig ng husto sa mga debate at alamin kung gaano ka seryoso ang mga kandidato na kanilang napupusian.

Una rito, sinabi ng kampo ng presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala pang katiyakan kung dadalo ang dating senador sa mga debate sa hinaharap.

Ang mangyayari aniya ay aalamin muna nila kung ang imbitasyon para sa kanila ay isang interview o debate.