Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nakahanda silang pagamitin ang kanilang kampo sa buong bansa para maging vaccination centers sa sandaling nasimulan na ang rollout ng mga bakuna.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Cirilito Sobejana, bukas ang kanilang mga kampo na gawing vaccination center kung kinakailangan.

Aniya, suportado ng AFP ang vaccination program ng pamahalaan at bilang tulong ay imo-mobilize nila ang kanilang mga ground, sea and air assets ng sa gayon makarating ang mga bakuna sa iba’t ibang parte ng bansa.
Siniguro rin ni chief of staff na hindi nila ibababa ang kanilang alert level lalo na doon sa mga lugar na mataas ang banta.
Sa parte naman ng PNP, bukas din sila ipagamit ang lahat ng PNP camps sa buong bansa bilang vaccination center.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildebrandi Usana, depende na lang ito sa “arrangement” na gagawin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa nationwide vaccination program.
Siniguro ni Usana na ang paghahatid ng vaccine na naka-assign sa PNP ay makakararing sa destinasyon para agad na magamit ng mga benipisaryo.
















